Cauayan City, Isabela- Isang Chinese na estudyante ang itinuturing na Person under investigation (PUI) ang naka-isolate ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Ito ang kinumpirma ni Dr. Glenn Mathew Baggao, pinuno ng CVMC sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ang 37 taong gulang na Chinese na nag-aaral sa isang pribadong Unibersidad sa Tuguegarao City ay tubong Hebei, China at dumating sa Tuguegarao City noong Pebrero 27, 2020.
Kaugnay nito, Nilinaw ni Dr. Baggao na hindi siya pinaghahanap ng otoridad dahil sa umano’y suspected na carrier ng virus bagkus ay kusa aniya itong nagtungo sa ospital upang magpasuri matapos makaranas ng sore throat at ubo.
Nasa 21 PUI’s sa COVID-19 kabilang ang Chinese National ang kasalukuyang inoobserbahan sa naturang ospital at hinihintay na lamang ang resulta ng kanilang specimen upang malaman kung positibo o negatibo ang mga ito sa coronavirus.
Iginiit din nito na ‘COVID Free’ ang CVMC dahil WALA pa silang naitalang pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Paalala sa publiko na huwag mag-panic at huwag agad maniwala sa mga kumakalat na balita na may kaso ng COVID-19 ang naturang ospital dahil sila lamang aniya ang otorisado na magbibigay ng tamang impormasyon.