Manila, Philippines – Ikinagulat ng LTFRB board ang naging pag-amin ng mismong may ari ng Dimple Star Transport na nabili nila sa junk shop ang bus na nahulog sa bangin sa Occidental Mindoro noong March 20.
Sa pagdinig kanina ng LTFRB, sinabi ni Hilbert Napat, may ari ng Dimple Star na chop-chop at galing sa junk shop ang naaksidenteng bus na nagsanhi sa pagkasawi ng labing siyam na pasahero.
Matapos na mabili sa junk shop ay saka nila binuo muli at inayos at kinondosyon ang makina, pininturahan at pinagmukhang bago.
Sa loob ng siyam na taon simula noong 2009, nagsimula nang bumiyahe ang naaksidenteng bus na may plate number na TYU-708 matapos na aprubahan ng LTO na muling makapasada.
Sinisi pa ni Napat ang dagat sa mabilis na pagkasira ng kanilang unit dahil araw-araw itong isinasakay sa RoRo patungo ng Visayas.
Sa panig ni LTFRB Chairman Martin Delgra, sinabi niya na ang ganitong mga pangyayari ang dahilan kung bakit kinakailangang isulong ang modernisasyon ng pampublikong sasakyan para nawala ang mga bulok na sasakyan sa kalsada.
Malinaw aniya na hindi sumasailalim ang Dimple star sa masusing checkup.
Sinabi pa ni Delgra na mananatili naman ang suspensyon ng Dimple Star hanggat hindi nakakasunod sa panuntunan na ibinigay sa bus company tulad ng pagsasailalim sa road worthiness test, seminar at drug test ng kanilang mga driver at konduktor.
Itinakda sa Mayo a trenta ang susunod na pagdinig sa kaso na kinakaharap ng Dimple Star.