CHR at NBI, hinimok na imbestigahan ang red-tagging sa mga community pantry organizer

Pinakikilos ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang napaulat na red-tagging sa organizers at volunteers ng community pantries.

Tinukoy nito sa House Resolution 1725 na sinimulan ni Ana Patricia Non sa Quezon City ang community pantry para makapagbigay ng pagkain sa mga mahihirap sa gitna ng pandemya.

Subalit marami aniyang community pantries ang napilitang magsara dahil ang mga may-ari o organizers nito ay natakot na ma-red-tag matapos na busisiin ng mga pulis ang kanilang personal na impormasyon.


Tinukoy rin ni Rodriguez na maging ang ilang community pantries sa kanyang distrito sa Cagayan de Oro ay hindi rin pinalagpas ng red-tagging.

Binigyang-diin pa ng House leader na marapat na masilip ang red-tagging activities sa community pantries at matigil na ang harassment lalo na kung ito naman ay may magandang hangarin sa kapwa.

Matatandaang maging ang palasyo ng Malakanyang ay suportado ang pagkukusa at pagtutulungan ng mga mamamayan sa pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan ngayong pandemya.

Facebook Comments