Manila, Philippines – Halos sampung minuto lamang na sumalang sa plenary session ng Senado at agad inaprubahan ang panukalang year 2018 budget ng Commission on Human Rights na nagkakahalaga ng 693.50 million pesos.
Nakapaloob dito ang 28.5 million pesos na budget para sa Human Rights Violations Victims Memorial Commission na namamahagi ng kumpensasyon para sa Marcos Human Rights Victims.
Ang ipinabigay nilang budget sa CHR ay mas mataas ng higit 150 million pesos kumpara sa inaprubahan ng Kamara na 537 million pesos para sa CHR.
Samantala, kinuwestyon naman ni Finance Committee Vice Chairman Senator Panfilo Ping Lacson ang 900-million pesos na nakapaloob sa P627.77 billion pesos na budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH para sa 100-metrong national road sa Nueva Ecija.
Punto ni Lacson, noong taong 2016 at 2017 ay P300-million pesos lamang ang inilaang pondo para sa nabanggit na kalye.
Katwiran naman ni Finance Committee Chairman Senator Loren Legarda ay priority project ito ng DPWH.
Itatayo aniya ito sa mabundok at delikadong lugar sa Nueva Ecija at kasama ding gagastusan ang slope protection nito.
Bukod dito ay kinastigo din Lacson ang DPWH dahil sa 3-kilometrong Baguio to Bauang phase 1 project na ang gitna bahagi ay hindi tinapos ng DPWH ang konstruksyon.