Kinondena ni Commission on Human Rights (CHR) Commissioner Faydah Dumarpa ang nangyaring pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr., at kaniyang mga kasamahan sa Kalilangan, Bukidnon.
Ayon kay Dumarpa, bilang isang Maranao at Mindanaoan ay naniniwala siya na ang karahasan ay walang maibubungang mabuti sa pagkamit ng kapayapaan at katatagan ng seguridad sa Mindanao.
Umaasa ang si Dumarpa na mabilis na maaresto ang mga suspek at maipagkakaloob ang hustisya sa mga biktima ng pananambang.
Ayon sa CHR, lumilitaw sa inisyal na imbestihasyon ng PNP na sadyang pinuntirya ng mga armadong katao ang convoy ng gobernador ng Lanao del Sur.
Napatay sa pamamaril sina Juraij Adiong, Aga Sumandar, Jalil Cosain at isang Kobi.
Sugatan sina Governor Adiong at ang kaniyang staff na si Ali Macapado Tabao na unang isinugod sa Bukidnon Provincial Hospital sa Kalilangan bago inilipat sa isang ospital sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa nakababatang kapatid ng gobernador na si Lanao del Sur Representative Zia Adiong, nasa maayos na kondisyon na ang kaniyang kapatid.