Nagpahayag ng pagkadismaya ang Commission on Human Rights (CHR) sa hindi nito pagkakasama sa Inter-Agency panel na naatasang mag-review sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga ng gobyerno.
Ayon kay CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit, ang hindi pagsali sa komisyon sa high-level review ay taliwas sa binitawang commitment noon ng gobyerno sa 44th Session ng Human Rights Council.
Aniya, sa naturang okasyon ay nangako umano si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na lahat ng state-parties ay kasama sa review.
Ito ay taliwas din sa hangarin ng gobyerno na bigyan ng mukha ng accountability ang kampanya at tuldukan ang impunity.
Ikinalungkot din ni Dumpit na sa inisyal na report nas isinumite ni Guevara kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng drug war deaths, hindi naisama rito ang findings ng CHR.
Tiniyak ni Dumpit na suportado ng CHR ang mga inisyatiba ng gobyerno at makikipagtulungan sa mga otoridad sa kampanya kontra droga.