Manila, Philippines – Inaprubahan na ng Senado ang 830 million pesos na panukalang 2020 budget para sa Commission on Human Rights o CHR.
Pero bago ito lumusot ay ginisa muna ng mga administration senators si CHR Chairman Chito Gascon.
Tanong ni Senator Christopher Bong Go, mas importante ba sa CHR ang buhay ng mga inosenteng Filipino o ang buhay ng mga kriminal.
Punto ni Go, tila kind to criminals ang CHR at nakatutok pa sa human rights ng drug lords.
Palagi aniyang hinahabol ng CHR ang mga law enforcer o mga pulis at binabatikos si Pangulong Rodrigo Duterte kapag may napapatay na kriminal.
Ipinunto naman ni Senate President Tito Sotto na hindi ba isinuko na ng isang tao ang kaniyang mga karapatang pantao kapag gumawa ng karumal dumal na krimen.
Paliwanag ni Gascon, itinatakda ng konstitusyon, na ang mga suspected criminals ay may human rights at karapatan din sa due process.
Katwiran pa ni Gascon, tungkulin nila na pangalagaan ang karapatan ng mga biktima at mayroon ding minimum treatment sa mga akusado.
Hindi naman pinalampas ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ang pananahimik ng CHR sa napabalitang paglaya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez pero depensa ng CHR mayroon silang press release na kumokondena at tumututol dito.
Sinita naman ni Senator Francis Tolentino ang palaging pagpuna ng CHR sa gobyerno pero tahimik sa mga positibong ginagawa ng pamahalaan.