Manila, Philippines – Hinamon ng Commission on Human Rights (CHR) ang administrasyong Duterte na gumawa ng kongkretong hakbang upang mawala ang hindi magandang persepsyon sa mga pulis na nasa frontline ng war on drugs.
Ginawa ni CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline De Guia ang pahayag kasunod ng pinakahuling SWS survey na nagpapakita na 68 percent ng mga respondents ay naniniwala na sangkot ang ilang mga pulis sa sindikato ng illegal drugs.
Ayon kay de Guia, seryoso ang ganitong pagtingin ng publiko lalo na at ni-reboot na ng PNP ang war on drugs nito.
Binigyan diin ni De Guia na isa sa dapat gawin ng PNP ay sampahan ng kaso at parusahan ang mga pulis na sangkot sa droga.
Nakahanda naman ang CHR na makipagtulungan sa PNP upang masolusyunan ang mga insidente ng paglabag sa karapatang pantao sa gitna ng mga operasyon ng mga pulis.