Pinaiimbestigahan sa gobyerno ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga katiwalian sa National Center for Mental Health (NCMH) kasunod ng pananambang at pagpatay kay Dr. Roland Cortez at sa kaniyang driver.
Pumasok na rin sa kaso ang CHR at partikular na sinisilip nito ang mga naunang alegasyon ng katiwalian sa NCMH.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann De Guia, sa isang panahon na mayroong global health crisis, naapektuhan ang access sa public health care dahil sa mga katiwalian sa mga public health institution.
Magugunita na nagsampa ng kasong graft at malversation sa Ombudsman ang nasawing si Cortez laban kay NCMH Chief Administrative Officer Clarita Avila.
Nag-ugat umano ito sa pagpapahintulot ni Avila sa isang kumpanya na tinulungan nitong ma-incorporate na imonopolisa ang mga proyekto sa pasilidad ng NCMH.