CHR, humingi ng paumanhin hinggil sa kanilang kabiguan noong Manila secret jail incident

Humingi ng paumanhin ang Commission on Human Rights (CHR) dahil sa kabiguan nitong sagipin ang nasa 12 bilanggong itinago sa loob ng secret jail sa Manila Police Station noong April 2017.

Ito ang pahayag ng CHR matapos silang mabatikos hinggil sa isang eksena sa pelikulang “Aswang” kung saan may mga lalaki at babaeng nakakulong sa isang kwarto na walang bintana at ilaw.

Ang mga indibidwal ay hindi kinasuhan pero sila ay sinasaktan at kinikikilan ng mga pulis ng libo-libong piso kapalit ang kanilang kalayaan.


Bagama’t nalantad ang ilegal na gawain, ipinakita sa pelikula na binigyan ng CHR ang mga pulis ng pagkakataon na itama ang mga ginawa nito sa pamamagitan ng pagproseso ng mga dokumento pero muling naibalik sa kulungan ang mga indibiduwal.

Ayon kay CHR Chairperson Jacqueline De Guia, kinikilala nila ang lahat ng mga puna at bukas sila sa anumang opinyon mula sa publiko para mapabuti ang kanilang serbisyo.

Nilinaw ng CHR na gumawa sila ng mga hakbang para mapanagot ang mga pulis na nasa likod ng secret jail kabilang ang pagrerekomendang sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang station commander na si Superintendent Robert Domingo at kanyang mga tauhan sa Office of the Ombudsman para sa arbitrary detention, grave threats, grave coercion, robbery/extortion, at paglabag sa Anti-Torture Act.

Nakilahok din ang CHR sa pagdinig ng House Committee on Human Rights, maging ang paglalagay sa witness protection program ng prosecution witness.

Nagtatag din ang CHR ng Protection and Prevention Clusters maging ang Interim National Preventive Mechanism para matiyak na napoprotektahan ang karapatan ng Persons Deprived of Liberty (PDL).

Facebook Comments