CHR, iginiit ang paggamit ng body camera kasunod ng PNP-PDEA misencounter

Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang kahandaan ng Philippine National Police (PNP) na i-rollout ang body camera para sa mga pulis at dash cam para sa mga patrol car.

Sinabi ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann De Guia na magsilbing panggising o wake up call ang nangyaring madugong engkwentro sa pagitan ng mga anti-narcotic operative ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Quezon City Police District (QCPD) upang gawing kapani-paniwala ang mga ikinakasang operasyon.

Ani De Guia, sa pamamagitan nito, maipapakita rin sa publiko na may transparency at accountability ang mga field officer tuwing sila ay magsasagawa ng raids, mga pag-aresto at iba pang anti-crime activities.


Umaasa ang CHR na mas maraming pang body cameras ang mai-distribute sa police force sa labas ng Metro Manila.

Tiwala naman ang CHR sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring shootout.

Ani De Guia, nakabantay ang CHR at umaasa sila na lilitaw ang katotohanan at makakamit ang hustisya.

Facebook Comments