Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagdukot at brutal na pagpatay ng New People’s Army kay Army Corporal Frederick Villasis sa Barangay Lahug, Tapaz, Capiz.
Batay sa report, si Villasis ay angkas sa isang motorsiklo kasama ang isang sibilyan at patungo sa pamahalaang bayan nang bigla silang harangin ng nasa 40 armadong katao.
Natagpuan na lang ang wala nang buhay na si Villasis na nakatali ang kamay sa likuran at may tama ng bala sa katawan.
Ayon kay CHR Spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, dapat umanong gamitin ang buong puwersa ng batas upang papanagutin ang nasa likod ng hindi makataong karahasan.
Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang CHR sa pag-torture at pagpatay kay Villasis.
Nagpa-abot na rin ng pakikiramay ang CHR sa mga naulila ng nasawing sundalo.