Nababahala na ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga kaso ng namamatay na person deprived of liberty (PDL) na hawak Bureau of Corrections (BuCor).
Sa nakalap na mga datos ng CHR as of September 2022, mahigit 700 PDL ang namatay sa kustodiya ng BuCor.
Ibig sabihin ayon sa CHR, tatlo hanggang 4 na bilanggo ang namamatay kada araw.
Noong 2021, lumitaw rin sa mga datos ng BuCor na 1,166 ang nasawing bilanggo mula sa mahigit 48,000 na nasa kustodiya ng BuCor.
Pangunahin pa rin umanong dahilan ng pagkamatay ng mga bilanggo ay katandaan at iba’t ibang karamdaman.
Bunsod nito, nanawagan ang CHR sa pamahalaan na tutukan ang kapakanan ng mga bilanggo dahil mayroon pa ring mga karapataang pantao kahit ang mga PDL.
Dapat din umanong bilisan ang paggawad ng executive clemency sa mga nakatatandang may karamdaman na.
Gayundin ang pagtugon sa matinding siksikan na pinagmumulan ng iba’t ibang sakit.