Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang aksyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na paimbestigahan ang mga local officials na sumingit sa isinasagawang vaccination rollout para sa mga health frontliners.
Tinawag ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia na makasarili ang mga public personalities, government officials at mga non-frontliners na sumisingit sa pila ng ginagawang pagpapaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Ikinalungkot ni De Guia na sa kabila ng limitadong vaccines, naipagkait sa mga nasa priority list ang bakuna na naibigay sa mga sumingit sa vaccination queue.
Ayon sa CHR, dapat may mapanagot sa nangyari upang hindi malagay sa peligro ang vaccination efforts ng gobyerno sa gitna ng sumisipang kaso ng COVID-19.
Dagdag ni De Guia, posibleng manganib ang susunod na free vaccine allocations mula sa COVAX Facility dahil nalabag ang kasunduang mga nasa priority list muna ang dapat mabakunahan.