Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar na hindi kayang mabigyan ng body camera ang lahat ng pulis na naka-deploy sa mga aktibad kaugnay sa ika-anim at huling SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PNP Chief Eleazar na bawat police stations sa kalakhang Maynila at substations nito ay nasa 16 na body camera lamang ang naipamahagi dahil na rin sa limitadong pondo.
Kasunod nito, inimbitahan ng Pambansang Pulisya ang mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) upang mag-observe sa ginagawang pagbabantay o deployment ng mga awtoridad, sa layuning matiyak na naitataguyod ng lahat ang kanilang karapatang pantao tulad ng malayang pamamahayag.
Sa ngayon, tatlong assembly points ang pinayagan ng PNP kabilang ang UP Compound, CHR Compound at sa National Housing Authority (NHA).
Maliban sa seguridad, isa rin sa babantayang maigi ng Pambansang Pulisya ay ang pagsunod sa health protocols ng mga militanteng grupo.
Ani Eleazar, ang mga ito mismo ang naglatag ng kondisyon upang payagan silang makapagkilos protesta.
Kabilang dito ang pagbabawal sa mga bata, pagsunod sa health protocols, pagsusuot nang tama ng face mask, face shield at social distancing at kung may matatanda mang kalahok, dapat ang mga ito ay fully vaccinated.
Tiniyak naman ng PNP na ipatutupad nila ang maximum tolerance.