Mariing tinuligsa ng Commission on Human Rights (CHR) ang brutal na pagpatay sa Filipina migrant worker na si Jullebee Ranara sa Kuwait.
Ayon sa CHR, “one death is too many.”
Hinimok nito ang Department of Migrant Workers na dapat magkaroon ng mabilis na resolusyon sa kaso dahil posibleng may iba pang Overseas Filipino Workers (OFWs) ang maaring nanganganib din ang buhay sa kamay ng kanilang mga amo.
Nakatatanggap kasi ang CHR ng mga report kaugnay ng dumaraming distressed Filipino workers na nasa mga welfare center at nag-aantay na mapauwi sa Pilipinas.
Taong 2018, nang una nang kinalampag ng CHR ang gobyerno na palakasin ang mga polisiya para sa pangangalaga sa karapatan ng mga migrant worker, partikular ang mga domestic worker.
Kasunod na rin ito ng pagkamatay ng pitong OFW noon sa Kuwait.
Mungkahi ng CHR, magkaroon ng mekanismo para sa mabilis na information sharing, access sa legal aid, at pagkakaroon ng quick response protocols para sa mga OFW na mayroong matitinding pagbabanta sa buhay.