Mariing kinokondena ng Commission of Human Rights (CHR) ang ginawang panununog ng New People’s Army (NPA) ng simbahan sa bayan ng Opol sa Misamis Oriental.
Tinawag ni CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia na act of terrorism ang ginawa ng rebeldeng grupo na may layuning maghasik ng takot sa mga komunidad ng mga katutubo sa lugar.
Ayon kay De Guia, nakakalungkot na kailangang gawin ito sa panahong humaharap ang bansa sa banta ng pandemya.
Aniya, malinaw na isang paglabag ang pag-atake ng NPA sa idineklarang tigil putukan ng magkabilang panig habang mayroong COVID-19.
Ipinaalala ng CHR na hindi karahasan tulad ng pagsunog ng mga pampublikong pag-aari ang kasagutan sa pagkamit ng kapayapaan kundi ang pagkuha sa kumpiyansa sa mga komunidad.
Nanawagan ang CHR sa magkabilang panig na muling bumalik sa usapang pangkapayapaan at isantabi ang bakbakan upang maituon ang buong pansin sa paglaban sa nakamamatay na virus.