CHR, kinondena ang pagpapasabog ng landmine ng New People’s Army sa tropa ng militar sa Eastern Samar

Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang panibagong pananambang na ginawa ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga sundalo sa bayan ng Jipapad sa Eastern Samar.

Batay sa report, pinasabugan ng landmine ang mga sundalo habang papunta sa kanilang bagong kampo.

Patay sa ambush ang isang enlisted personnel ng 52nd Infantry Battalion at dalawang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), habang apat na iba pa ang sugatan.


Ayon kay CHR Deputy Spokesperson, Marc Louis Siapno, nilabag ng NPA ang International Humanitarian Law na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng landmines.

Nagparating ng pakikidalamhati ang CHR sa mga pamilya ng mga nasawi.

Nanawagan ang komisyon sa magkabilang panig na ihinto na ang tinawag nilang walang saysay na patayan.

Facebook Comments