Nababahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa pangha-harass ng mag-asawang pulis sa tatlong journalists sa Pastrana, Leyte.
Ayon sa CHR, dapat maging patas at walang papanigan ang imbestigasyon sa naturang kaso.
Nanawagan ang CHR na proteksyunan mga mamamahayag para sa kanilang kaligtasan.
Sa inilabas na pahayag ng CHR, lubha silang nabahala sa panggigipit at pangha-harass sa mga journalist na sina Lito Bagunas, Noel Sianosa at Ted Tomas ng San Juanico TV, na nag-cover ng land dispute na kinasangkutan ng mag-asawang pulis.
Nakita sa video ang agresibong pagkilos ng mga pulis laban sa mga journalist habang kumukuha ng video, gayundin ang pang-aagaw ng cellphone at pagpapaputok ng baril.
Kinilala ng CHR ang mabilis na pagtugon ng Philippine National Police (PNP) Western Visayas sa pagsibak sa mag-asawang Police Staff Sergeant Rhea May Baleos at asawang si Police Staff Sergeant Ver Baleos na kasalukuyan nang iniimbestigahan.
Tiniyak naman ng CHR na may isasagawa rin silang parallel investigation sa kaso.
Muli silang nagpaalala sa lahat ng pulis na sumunod sa PNP Operational Procedures.
Dapat ding magawa ng media ang kanilang trabaho nang walang pananakot at pagbabanta.