Iimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang umano’y sexual abuse ng New People’s Army (NPA) sa dalawang menor de edad na babae sa Kananga, Leyte.
Ayon kay CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia, mariin nilang kinokondena ang naturang pang-aabusong sekswal.
Nauna rito, nasagip ng 93rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang dalawang katorse anyos na mga babae sa isang kampo ng NPA.
Sa kuwento ng mga dalagita, inabusong sekswal umano sila ng mga rebelde at sapilitang pina-inom ng contraceptive pills.
Ayon kay De Guia, ang sexual slavery at recruitment ng child soldiers ay isang uri ng human trafficking.
Posibleng nagagamit ang mga naturang inosenteng biktima upang mahikayat ang mga kabataang kalalakihan na sumapi sa NPA.
Iginiit ng CHR na pagkalooban ng assistance, psychosocial support, at reintegration sa kanilang komunidad ang mga biktima.