Mahigpit na binabantayan ng Commission on Human Rights (CHR) Regional Office 11 ang nagaganap na operasyon ng pulisya sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.
Nagpaalala ang CHR sa Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng maximum tolerance at tiyakin ang kaligtasan ng lahat, lalo na ang mga bata.
Ang police operation ay isinasagawa upang magsilbi ng warrant of arrest sa pinuno ng KOJC na si Pastor Apollo Quiboloy.
Babala ng CHR sa PNP, tiyaking walang karahasan o hindi kinakailangang gumamit ng puwersa sa pag-aresto alinsunod sa batas.
Nagpaalala rin ang CHR sa magkabilang panig na tiyakin ang angkop na proseso, gaya ng ginagarantiya ng ating saligang batas ang mananaig.
Pinaalalahanan din ng komisyon ang mga miyembro ng KOJC na irespeto ang pwersa ng estado upang makaiwas sa paglala ng mga tensyon o makahadlang sa legal na proseso.
Pinaalalahanan ng CHR ang mga tagasuporta ni Pastor Quiboloy na iwasang mang-harass sa mga sibilyan na simpleng gumaganap ng kanilang tungkulin.