CHR, muling nasita ng senado dahil sa petisyon kay Sen. Villanueva na ipasa na ang SOGIE bill

Matapos ang isyu ng pagpabor ng isa sa mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) sa decriminalization ng abortion sa bansa, muling nasabon ng Senado ang komisyon hinggil sa pag “single out” at paglagda sa petisyon na nananawagan kay Senate Majority Leader Joel Villanueva na maging bukas at ipasa na ang SOGIE Bill o ang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression.

Sa gitna ng budget deliberation, ay may ipinalabas si Villanueva na video kung saan makikita rito si Atty. Krissi Shaffina Twyla Rubin, Officer-in-charge ng Center for Gender Equality & Women’s Human Rights ng CHR, at naghayag ito sa gitna ng selebrasyon ng Pride month noong June na mayroon silang “love letter” para kay Sen. Villanueva at umaapela na pakinggan ang LGBTQIA+ community na ipasa na sa Senado ang SOGIE Bill.

Pinuna ng senador kung awtorisado ba ang mga taga CHR na magsalita nang ganito lalo’t dapat ang komisyon ay dapat kumakatawan sa bawat indibidwal na Pilipino at hindi sa iisang sektor lamang.


Kinampihan naman nina Senators Jinggoy Estrada at Alan Peter Cayetano si Villanueva dahil bukod sa unfair ay mistulang pinalalabas na anti-LGBTQ ang senador.

Sa huli, ay ikinalungkot naman ni CHR Chairman Richard Palpal-Latoc ang nangyari at nangakong makikipagtulungan sa Senado para maipasa ang Comprehensive Anti-Discrimination Bill ni Villanueva at ang SOGIE Bill.

Facebook Comments