CHR, naalarma sa tumataas na kaso ng pinaghihinalaang sintomas ng TB sa mga PDL sa Pasay City Jail

Nagpapahayag ng matinding pagkabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa tumataas na kaso ng pinaghihinalaang sintomas ng tuberculosis o TB sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Pasay City Jail.

Batay sa report, mahigit 400 PDL sa Pasay City Jail ang nagkaroon ng mga sintomas na tulad ng TB batay sa kanilang mga resulta sa X-Ray.

Naka-isolate na ang mga ito habang hinihintay ang conclusive testing.


Ang mataas na bilang ng mga pinaghihinalaang kaso ng TB sa mga PDL sa Pasay City Jail ay nagpapakita ng kritikal na isyu sa kalusugan ng publiko na nangangailangan ng agaran at komprehensibong aksyon.

Batay sa datos ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa pagitan ng 2015 at 2021, ang bilang ng mga taong nakakulong sa jail facilities sa bansa ay tumaas ng halos 75%, o mula 94,691 patungong 165,528.

Upang maiwasan ang mga katulad na problema sa kalusugan sa mga kulungan, umaasa ang komisuyon na ang Bureau of Correction ay magpapatupad ng routine medical screening.

Giit ng CHR, dapat tiyaking madaling ma-access at may accurate at rapid diagnostic tool upang makumpirma kaagad ang mga nakahahawang sakit sa loob ng jail facilities.

Facebook Comments