Pinaiimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) sa Philippine National Police (PNP) ang umano’y extortion activities ng mga nagpapakilalang New People’s Army (NPA) sa kanilang dalawang regional offices.
Ayon kay CHR Executive Director, Atty. Jacqueline Ann de Guia, partikular na nakatanggap ng tawag ang kanilang regional offices sa Northern Mindanao at South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City (SOCSARGEN).
Aniya, noong May 11 ay tinawagan umano ng nagpakilalang NPA Commander ang Security Officer sa CHR Region 12.
Hinihingan umano ito ng ₱8,000 para sa kaniyang nasugatang kasamahan.
Humihingi rin ito ng abogado at binalaan na kilala niya ang lahat ng kawani ng CHR.
Nakatanggap din ng katulad na tawag ang CHR Region 10 office mula sa nagpapakilalang NPA member na humihingi ng ₱200,000 financial assistance.
Kinabukasan ay muli itong tumawag kasabay ng pagbabanta sa kanilang imbestigador.
Mariing kinondena ng CHR ang extortion at pagbabanta sa kanilang mga regional offices mula sa alinmang grupo.
Giit ni De Guia, bilang isang independent National Human Rights Institution, kailanman ay hindi sila magpapasindak.
Humiling na rin ang CHR sa PNP na bigyan ng seguridad ang naturang CHR regional offices at ang kanilang mga tauhan.