Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa umano’y sexual harassment sa mga estudyante ng Bacoor National High School sa Cavite.
Sinabi ni CHR Regional Director Rexford Guevarra na kinukumbinsi pa nila ang mga estudyante na makapagbigay ng salaysay laban sa mga gurong sangkot sa naturang insidente.
Siniguro ni Guevarra na tutulungan nila ang mga biktima na makapaghain ng kaukulang kaso.
Dagdag pa ng opisyal, bibigyan din ng CHR ang mga estudyante ng psychosocial support at tulong pinansyal.
Sa ngayon ay pumalo na sa 30 ang mga biktima ng sexual harassment sa nasabing paaralan.
Samantala, inihayag ng Department of Education (DepEd) na isusumite kahapon sa Regional Office ang binuong fact finding report na resulta ng imbestigasyon laban sa pitong guro na sangkot umano’y sa sexual harassment sa Cavite.
Isinagawa aniya ang imbestigasyon upang malaman ang bigat ng kanilang parusa para sa administrative proceedings na pwedeng magresulta sa pagtanggal sa trabaho.
Matatandaang, nag-ugat ang isyu matapos mag-viral ang post sa Twitter kaugnay sa malalaswang karanasan ng mga estudyante.
Batay sa Twitter thread, ang isa sa mga guro ay nagpo-post umano sa kaniyang social media accounts ng mga larawan ng kaniyang mga estudyante.
Sa sumbong din ng isa pang estudyante, sinabi niya na ang isang guro ay nag-alok sa kaniya na maging mistress o kalaguyo.
May reklamo rin ang isang lalaking estudyante na niyaya siya ng isang lalaking guro na makipagtalik kapalit ng pera.
Nang tumanggi umano ang mga estudyante, sinabi ng guro na sinusubukan lang niya kung paano tutugon ang mag-aaral para sakaling siya ang makatanggap ng ganitong alok ay alam niya kung ano ang isasagot.