Pinatitiyak sa gobyerno ng Commission on Human Rights (CHR) na magkakaroon ng balanse o pantay na distribusyon at access sa COVID-19 vaccines sa buong bansa.
Paalala ito ni CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana sa harap ng pag-uunahan ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na makabili ng COVID-19 vaccines.
Umaasa si Gana na gagawin ng gobyerno ang obligasyon nito para sa priority access ng mga nasa liblib na lugar o kanayunan.
Mayroon aniyang mga lokal na pamahalaan sa bansa na mayroong cluster ng infected population pero walang sapat na pondo para makakuha ng bakuna.
Aniya, dahil responsibilidad ng gobyerno ang vaccination program, obligasyon nitong maipagkaloob ang karapatan ng bawat Pilipino sa mahusay na health care.
Paalala ni Gana, dapat ay umaayon ito sa standards ng karapatan ng publiko sa tamang impormasyon hinggil sa effectiveness ng makukuhang bakuna.