CHR sa “Aresto Aguinaldo”: Huwag gawing joke ang pag-aresto

Hindi dapat gawing “joke” ng kapulisan ang pag-aresto sa isang indibidwal.

Ito ang pahayag ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng gimik ng Cebu City Police Office (CCPO) na “Aresto Aguinaldo”.

Ang “Aresto Aguinaldo” ay isang gift-giving prank kung saan kunwaring aarestuhin ang isang tao sa bisa ng warrant of arrest pero ang totoo ay bibigyan lang nila ito ng regalo.


Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, ang pag-aresto ay isang legal at seryosong responsibilidad ng kapulisan at hindi dapat ginagawang biro.

“Inaaresto ka lang dapat kapag meron kang crime committed, therefore, very strict ang requirement ng law, hindi dapat siya ginagawang isang joke o isang biro kahit pa maganda ang intensyon. Dapat maganda yung intensyon mo, maganda rin ang aksyon natin. Kung ang objective nila ay pasayahin ang komunidad, dapat ay lantaran na nagbigay na lang ng regalo hindi yung kinakailangan pang dumating sa punto na yung isang legal na bagay ay tini-trivialized,” paliwanag ni De Guia sa panayam ng RMN Manila.

Dagdag pa ni De Guia, hindi dapat ginagawang normal sa mata ng publiko ang isang maling aksyon.

“Yun po yung hirap kapag nagkakaroon na ng norm, natatanggap na ng mga tao, hindi ngayon nakikita ng mga tao alin yung legal, alin yung hindi. Again, ang nilalabanan natin dito ay normalizing a wrong action,” saad pa niya.

Samantala ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana, ipinatigil na ni PNP Chief Debold Sinas ang “Aresto Aguinaldo”.

“Medyo hindi po maganda sa pangitain ng ating mga mamamayan lalo na at made in public. Syempre nakakakaba nga naman po yun na may warrant of arrest pa, hindi moa lam kung saan yung kasong kinahaharap mo. So ito po ay isang bagay na hindi siguro part ng kailangang gawin ng mga pulis lalo na ngayong Christmas,” pahayag ni Usana sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments