CHR, suportado ang panukalang palawigin ang pagbibigay ng reparation pay para sa mga biktima ng human rights noong Marcos regime

Manila, Philippines – Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang panukalang inihain ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate na palawigin ang kompensasyon para sa mga biktima ng human rights violations noong panahon ng rehimeng Marcos.

Base sa House Joint Resolution 24 na inihain ng kongresista, inaamyendahan ang Republic Act 10368 o Human Rights Victims Claims Board.

Layon nitong palawigin hanggang sa December 2019 ang validity at availability ng pondo sa Land Bank of the Philippines para sa mga naging biktima ng karapatang pantao.


Sa interview ng RMN DZXL Manila kay CHR Spokesman Atty. Jacqueline De Guia, mula sa 75,000 na aplikante, nasa 11,103 claimants pa lamang ang naiproseso para sa reparation pay.

Ayon kay De Guia, dapat din masolusyonan ang isyu sa nakapangalan sa tseke kung saan ang claimants ay patay na.

Binigyan diin din ni De Guia na dapat na manatili sa human rights victims claims board ang pagproseso ng mga claim upang hindi na tumagal.

Sa ilalim ng Human Rights Victims Claims Board o hrvc ay mayroong P10 billion na inilaan bilang pambayad sa reparation ng mga biktima na sinala ng board.

Pero ito ay nag-expire na noong May 12, 2018 at malaking bilang pa ng mga Marcos human rights victims ang hindi pa nabibigyan ng reparation.

May balanse pa ang reparation sa Landbank ng halos P793 million na ime-maintain na lamang hanggang August 11, 2018 bago ibalik sa national treasury.

Facebook Comments