Ipinahayag ng Commission on Human Rights (CHR) na dapat pag-aralang mabuti ang plano ng Philippine National Police (PNP) na pumasok sa loob ng mga paaralan ang mga pulis upang mapigilan ang mga karahasan sa mga batang mag-aaral.
Kasunod ito ng nangyaring pananaksak ng isang kinse anyos na estudyante sa kaniyang kaklase sa Culiat National High School.
Bagama’t kinikilala ng CHR ang intensyon dito ng PNP, dapat ay masusi itong pag-aralan ng mga pangasiwaan ng mga learning institutions sa lungsod.
Dapat mabalanse ang layuning mapigilan ang karahasan at ang pagprotekta sa intrinsic rights ng mga bata.
Bilang signatory sa Convention on the Rights of the Child, isinasaalang-alang dapat dito ang holistic interest ng mga bata, tulad ng pisikal, mental at sikolohikal na kalagayan ng mga bata.
Giit ng CHR, dapat suportahan ang Rights-Based Education Framework for Philippine Basic Education ng Department of Education (DepEd) kung saan ay ipinapaliwanag sa mga mag aaral ang kanilang mga karapatan.