CHR, umaasang mapupunan na sa lalong madaling panahon ang mga bakanteng posisyon nito

Umaasa ang Commission on Human Rights (CHR) na sa lalong madaling panahon ay may itatalaga na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mga opisyal nito na may terminong pitong taon.

Sa budget hearing ng Kamara ay sinabi ni CHR Executive Director Jacqueline de Guia na bakante ngayon ang lahat ng posisyon ng apat na commissioners dahil natapos na ang kanilang termino nitong Mayo 2022 habang pumanaw naman ang chairman nito na si Chito Gascon noong nakaraang taon.

Sabi ni De Guia, sila ay umaasa na maglalabas ng executive order o presidential decree ang Palasyo na magbibigay diin sa proceso ng transparent, open and broad consultative participation sa paraan ng pagpili ng mga commissioner.


Diin ni De Guia, ang mga dapat maitalagang mga mamumuno sa CHR ay yaong may strong background kaugnay sa human rights at independence.

Paliwanag ni De Guia, mahalaga ang naturang mga katangian para mapanatili ng CHR ang “A” status bilang national human rights institutions base sa batayan ng Global Alliance of National Human Rights Institutions.

Facebook Comments