Nakatakdang makatanggap ng kanilang Christmas bonus ang kawani ng pamahalaan sa darating na Linggo.
Ayon kay AnaKalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, higit 1.5 million na mga empleyado ng pamahalaan ang makakatanggap ng bonus salig na rin sa Section 8 ng Republic Act No. 11466 o Salary Standardization Law 5.
Ang year-end bonus ay katumbas ng isang buwang sweldo at dagdag na P5,000 na cash gift.
Umaasa naman si Defensor na kung available na ang pondo ay masisimulan na ang pamamahagi ng Christmas bonus sa government employees sa November 15.
Dagdag pa ng kongresista, inaasahan niyang may na-i-release na pondo para rito ang Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim na rin ng National Budget Circular No. 579 na inisyu ni Secretary Wendel Avisado nitong Enero.
Nagpaalala naman si Defensor sa mga empleyado ng pamahalaan na mamimili pagkatapos na matanggap ang bonus na gawin ito ng maaga upang maiwasan ang nakagawian na Christmas rush at matinding trapiko.
Hinikayat din ng mambabatas ang employers ng pribadong sektor na ilabas na rin ng mas maaga ang 13th-month pay o year-end bonus ng kanilang mga empleyado.