
Hindi pumayag ang liderato ng Senado sa hiling ng contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya at mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na Christmas furlough o pansamantalang kalayaan ngayong Pasko.
Dahil dito, magpapasko sa detention facility ng Senado sina Curlee Discaya, dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara, dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez at Engr. Jaypee Mendoza.
Ayon kay Senator Ping Lacson, inaprubahan ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang kanyang rekomendasyon na tanggihan ang mga kahilingan na leave ng apat “for security reasons”.
Kaugnay ito ng paulit-ulit na pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ni Pangulong Bongbong Marcos na lalabas ang warrant of arrest ng mga ito bago mag-Pasko.
Pinangangambahang may tsansang tumakas o magtago ng tuluyan ang mga ito kapag batid na nilang lalabas na ang warrant laban sa kanila.
Sa kabila nito, pinapayagan naman na mabisita sila ng mga pamilya at makadalo sa misa sa loob ng Senado pero mahigpit na ipinagbabawal ang anumang aktibidad sa labas ng pasilidad ng mataas na kapulungan.









