Christmas message ni Pangulong Duterte, sumentro sa katatagan ng mga Pilipino; Mga frontliner at volunteer, pinapurihan naman ni VP Robredo

Nagpaabot nang pagbati si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong bisperas ng Pasko para sa sambayanang Pilipino.

Ayon sa Pangulo, ang taong 2020 ay naging puno ng pagsubok dahil sa COVID-19 pandemic at magkakasunod na kalamidad.

Pero dahil aniya sa pagkakaisa at pagiging matatag ng mga Pilipino ay nalampasan ang mga ito.


Ngayong Pasko, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagsilang ni Hesukristo ay maging paalala sa bawat Pilipino na palaging magkaroon ng pag-asa kahit pa sa panahon ng paghihirap.

Sinabi rin ng Pangulo na hangad niya ang makabuluhang selebrasyon ng Pasko sa bawat pamilyang Pilipino.

Kasabay nito, pinapurihan naman ni Vice President Leni Robredo sa kaniyang Christmas message ang health care workers, frontliners, typhoon volunteers, at ang lahat ng mga Pilipino sa pagsunod sa health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.

Aniya, bagama’t iba ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon, ipinakita naman ng mga Pilipino ang pagdadamayan sa kabila ng nararanasang pandemya.

Aminado naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na naging malaking hamon para sa lahat ang 2020 kung saan lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng ating mga kababayan na dulot ng mga kalamidad at pandemya.

Pinalala rin aniya ng global health crisis ang unemployment rate, livelihood opportunities at maging ang estado ng mga nakakaranas ng gutom.

Sa kabila nito, unti-unti aniyang nababago ang takbo ng sitwasyon bunsod ng muling pagbubukas ng ekonomiya sa bansa at sa buong mundo.

Facebook Comments