Pwede pa ring payagan ng isang employer’s group ang pagsasagawa ng Christmas parties sa kabila ng banta ng COVID-19.
Pero sa interview ng RMN Manila, nagpaalala si Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis Jr. na dapat gawin ito nang nasusunod ang minimum health protocols.
Aniya, karamihan sa mga kompanya ay magsasagawa ng mga Christmas party online.
“E gusto pa rin nila mag-Christmas party. Alam niyo naman kailangan na lumakas ang ekonomiya natin, merong pagbili, merong mga paghahanda, merong mga gagamit sa hotel, basta ang importante, susundin yung protocols. Karamihan, webinar yung Christmas party pero nagra-raffle pa rin, may mga games pa rin, hiwa-hiwalay nga lang, nasa webinar,” ani Ortiz-Luis.
Samantala, kasunod ng pinaluwag na operasyon ng mga mall sa buong bansa, naglabas ng tinatawag na 7 commandments ang Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang sa mga bagong health protocols ay ang mga sumusunod:
- Pagsusuot ng facemask at face shield
- Pagbabawal sa pagkain at pagsasalita sa public transport, kulob at matataong lugar
- Pagkakaroon ng sapat na bentilasyon sa isang lugar
- Pagdi-disinfect
- Pag-isolate sa mga nagpositibo COVID-19
- Wastong physical distancing
Bukod sa mga isinasagawang inspeksyon, nagtalaga rin ang DTI ng consumer care hotline na maaaring pagsumbungan ng publiko sakaling may makitang paglabag ang mga mall operator.