“Christmas sale” ng mga malalaswang video at larawan ng mga mag-aaral, dapat sugpuin

Kinalampag ni Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Justice (DOJ), Office of Cybercrime at ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).

Ito ay para sugpuin sa lalong madaling panahon ang napaulat na “Christmas sale” o pagbebenta ng mga malalaswang video at larawan ng mga mag-aaral.

Ginawa ito ni Gatchalian kasunod ng report ng report ng The Philippine Online Student Tambayan na may mga mag-aaral na ginagamit ang mga hashtag na #AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines sa Twitter upang makabenta ng mga malalaswang larawan at video.


Ayon sa ulat, ginagamit ng mga mag-aaral ang kanilang kinita pantustos sa distance learning o para makabili ng mga gadgets at magbayad ng internet connection.

Sa pagkakaalam ni Gatchalian ay mayroon pa umanong ilang nagbebenta ng “Christmas bundle” sa halagang 150 pesos na may lamang mga larawan na minsan ay ipinapakita ang mukha ng mga nagbebenta.

Nababahala si Gatchalian na dahil sa pandemya ay nahaharap ang mga kabataan sa matinding panganib na maging biktima ng pang-aabuso at karahasan dahil pinagsasamantalahan ng mga masasamang-loob ang kanilang mga pangangailangan.

Facebook Comments