Mas lalong ramdam na ramdam ang diwa ng masayang Pasko sa Mababang Kapulungan matapos ang ginawang Christmas Tree lighting na sinabayan ng fireworks display.
Ang seremonya ay pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez na isinagawa sa Batasang Pambansa Complex kagabi.
Sa kanyang mensahe ay binigyang diin ni Romualdez na maraming tayong dapat ipagpasalamant lalo na ang pagkakataon na maipagdiwang muli ang kapanganakan ni Hesus matapos ang halos tatlong taon na paghihigpit dahil sa pandemya.
Pero paalala ni Romualdez, bagama’t mas maluwag at malaya nating maipagdiriwang ang Kapaskuhan ay dapat pa ring maging maingat ang lahat para hindi na tayo bumalik sa madilim na panahon dulot ng COVID-19 pandemic.
Kasabay ng pagpapailaw sa malaking Christmas Tree sa Kamara, hinikayat ni Romualdez ang bawat isa na sikaping magbigay liwanag sa buhay ng kapwa at tumulong sa mga nangangailangan.
Nanawagan din si Romualdez ng sama sama nating panalangin na tuluyan nating malampasan ang mga hinaharap ngayong pagsubok upang maging mas maayos at maliwanag ang darating pang mga taon.