
Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko kaugnay sa ismag spoofing scheme na tumatarget sa mga gumagamit ng eGov PH app.
Matapos na mag-viral ang insidente kung saan mahigit P100,000 ang nawala sa isang biktima dahil sa tinatawag na “calling modus”.
Batay sa report, tinawagan ang biktima ng nagpapanggap na empleyado ng gobyerno para umano sa beripikasyong ng National ID.
Dito ay inutusan ang biktima na mag-log in sa isang pekeng interface gamit ang Face ID at biometric dahilan para makuha ng scammer ang mga sensitibong impormasyon at ubusin ang laman ng bank account nito.
Ayon kay CICC Undersecretary Renato Paraiso na hindi kailanman humihingi ng OTP, password, o biometric ang ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng pagtawag o kaduda-dudang link.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na huwag sagutin ang mga tawag mula sa hindi kilalang numero, tiyaking sa opisyal na app lamang makipagtransaksyon, at huwag magsagawa ng biometrics kapag inutusan ng tumatawag.










