Nagmistulang pugad umano ng war on drugs at reward system ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11 sa Davao City na pinamumunuan noon ni retired Police Colonel Edilberto Leonardo.
Nakasaad ito sa sinumpaang salaysay ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired Police Colonel Royina Garma na isinumite sa House Quad Committee.
Ayon kay Garma, bumuo noon si Leonardo ng isang grupo ng mga pinagkakatiwalaang operatiba upang maisagawa ang mga operasyon kaugnay sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Binanggit ni Garma na ang naturang grupo ay binubuo ng mga opisyal ng pulisya na sina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, Michael Palma, at Lester Berganio na pawang naatasang mangalap ng impormasyon tungkol sa mga hinihinalang sangkot sa droga.
Sila din ng gumagawa ng ulat tungkol sa mga pag-aresto at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa illegal drugs na isinusumite umano kay Leonardo, na siyang magpapasya sa “antas” ng operasyon at magdidetermina sa halaga ng “reward” na mula 20,000 pesos hanggang 1-million pesos.
Pagsisiwalat pa ni Garma si Peter Parungo, na dating nakulong sa kasong panggagahasa, ang namahala sa mga financial transaction na may kaugnayan sa task force.
Ayon kay Garma, dumadaan sa bank accounts ni Parungo ang lahat ng pondo para sa COPLAN, mga reimbursement para sa mga gastusin sa operasyon, at mga reward.
Sabi ni Garma, si Berganio naman ang namamahala sa listahan ng mga taong sangkot sa droga at siya ang tumutiyak na ang impormasyon mula sa mga pulis ay naihahatid kay Leonardo para sa mga pinal na desisyon.