
Nadakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Western Samar Provincial Field Unit si alyas “Luis”.
Ang suspek ay may nakabinbing warrant of arrest para sa dalawang bilang ng Murder at 2 counts ng Frustrated Murder na inilabas ng Korte noong 2016.
Ayon sa ulat na nakarating kay PBGen. Christopher Abrahano, Acting Director ng CIDG, si “Luis” ay kasabwat ng kapitan ng barangay na si “Antonio” na nahuli kamakailan sa Brgy. Saraw, Motiong, Samar.
Batay sa rekord, noong Mayo 15, 2015 sa Brgy. Concepcion, Samar, si “Luis” kasama ang 14 pang kasamahan na pawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ay naka engkwentro ang mga tropa ng pamahalaan.
Sa insidente, dalawang Private First Class na sundalo ang agad na nasawi habang dalawang iba pa ang sugatan.
Kabilang sina “Luis” at ang kapitan ng barangay sa 15 akusado na nakalista sa Periodic Status Record ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa unang kwarter ng 2025.









