Nagsampa ng reklamong inciting to sedition si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Brig. Gen. Nicholas Torre III laban sa isang dating sundalo.
Sa ambush interview sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni Torre na ito ay kaugnay sa mga pahayag ni dating Army Captain Clemente “Dado” Enrique na humihikayat na mag-alsa laban sa pamahalaan.
Nangyari raw ito sa kasagsagan ng pagtugis ng mga awtoridad kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Kabilang aniya rito ang paghimok ni Enrique sa mga kapulisan na talikuran ang gobyerno na maituturing na sedisyon.
Ayon kay Torre, lumabas daw ang mga panawagan sa sampung YouTube channels kung saan inaalam pa kung may pananagutan din ang netizens na nag-share ng mga video na ito.