Ba-byahe pa Taiwan ngayong linggong ito sina CIDG Director Roel Obusan at PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) Director Chief Superintendent Albert Ignatius Ferro para asikasuhin ang deportation ni Ricardo “Ardot” Parojinog.
Sinabi ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde ipadadala niya ang dalawang opisyal sa Taiwan para direktang makipag-ugnayan sa Taiwanese Police upang mas mapabilis na pag-uwi nito sa bansa.
Si Ardot na nakababatang kapatid ng napaslang na dating Ozamiz Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. ay nahuli sa Pingtung County Taiwan dahil sa iligal yang pananatili sa Taiwan.
Ayon kay Albayalde kinasuhan si Ardot dahil sa paggamit ng pekeng identification card sa Taiwan at kailangan maresolba muna ang kasong ito bago siya mai-deport.
Aabutin aniya ng isa o dalawang buwan bago maiuwi sa Pilipinas si Ardot para harapin ang kanyang mga nakapending na kaso na illegal possession of firearms and explosives.
Ang mga armas ay natagpuan sa kanyang tahanan noong nagsilbi ng search warrant ang mga pulis sa pamilya Parojinog, na nagresulta sa pagkamatay ni Mayor Aldong Parojinog matapos umanong manlaban.
Si Ardot ay nagtago ng 10 buwan bago nahuli sa Taiwan.