Hindi titigil ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pag-iimbestiga sa sinabi ni PAGCOR official at dating Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Commander Raul Villanueva na mayroong dating Philippine National Police (PNP) chief na tumanggap ng mothly payola mula sa illegal POGO operation at tumulong sa pagpapatakas palabas ng bansa kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito’y kahit na inamin ni Villanueva kay CIDG Director Police Major General Leo Francisco na tsismis lang ang kaniyang naging pahayag at walang matibay na basehan.
Ayon kay Francisco, hindi naman pupwedeng itigil ang imbestigasyon dahil nagpapatuloy parin ang mga pagdinig sa Senado at Kongreso.
Ani Francisco, direktiba ni PNP chief PGen. Rommel Francisco Marbil na siyasatin nang husto ang mga alegasyon ni Villanueva.
Pinag-iisipan na rin ng PNP ang pagsasampa ng kaso laban dito dahil naglalabas ito ng mga impormasyong wala naman pa lang basehan na naka-apekto sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.