Ibinida ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang mga accomplishments kasabay ng pagdiriwang ng kanilang 71st Founding Anniversary.
Ayon kay CIDG Director PMGen. Romeo Caramat Jr. kabilang sa kanilang accomplishments mula January 1 hanggang December 31, 2023 ay nakapagsagawa ang CIDG ng 11,424 manhunt operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11,558 most wanted at iba pang wanted criminals.
Sa kampanya kontra criminal gangs, 54 liders at 442 miyembro ang naaresto, habang 125 communist and local terrorist groups ang nasakote at 9 na sa mga ito ang nasampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, sa kampanya kontra loose firearms kabuuang 1,370 operations na ang kanilang naisagawa na nagresulta sa pagkakasabat ng 1,990 loose firearms, 435 explosives, at 41,244 assorted ammunitions.
Sa kampanya kontra iligal na sugal nakakumpiska ang CIDG ng ₱3.9M halaga ng bet money at nakaaresto ng mahigit 2,000 suspek mula sa higit 1,000 nilang police operations.
Habang sa kampanya laban sa Smuggling, Manufacturing, Distribution, and Trading ng Counterfeit Products/Items nakaaresto ang CIDG ng 600 economic saboteurs mula sa 303 operasyon kung saan nakasamsam sila ng ₱16.2B worth ng mga pekeng produkto.
Sinabi ni Caramat na magpapatuloy ang CIDG sa kanilang misyon upang patuloy na bumaba ang krimen sa bansa alinsunod sa 5-Focused Agenda ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.