Hihigpitan pa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang kampanya kontra loose firearms.
Ito’y matapos ang operasyon nila katuwang ang Special Action Force at Mabini Municipal Police station na nagresulta sa pagka-aresto ng alkalde ng Mabini, Batangas na si Nilo Villanueva at dalawang kapatid nito noong Sabado dahil sa mga hindi lisensyadong baril.
Tiniyak ni CIDG Director PBGen. Romeo Caramat na sinumang lalabag sa batas ay kanilang pananagutin kahit na sino o ano pa man ang katayuan nito sa pamayanan.
Alinsunod narin aniya ito sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr., na bantayan ang pagkalat ng loose firearms dahil posible itong magamit sa krimen.
Samantala, base sa datos ng PNP, mula Enero hanggang June 9, 2023 umabot na sa 12,373 na mga baril ang kanilang nakumpiska sa iba’t ibang panig ng bansa.