
Timbog ang 14 katao kabilang ang isang Chinese national matapos salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa umanong online scam hub sa Parañaque City.
Ayon kay CIDG Director PBGen. Christopher Abrahano, nasamsam sa operasyon ang 70 desktop computers, cellphones, computer peripherals, vault, dormitory pass IDs, passports at cryptocurrency account numbers.
Sinabi pa ni Abrahano na modus ng grupo ang paggamit ng Telegram app kung saan nagpapadala ng mga link sa mga target na biktima. Bawat suspek ay may hawak na 600 Telegram accounts.
Kapag nabuksan ang link, pinapagawa ang mga biktima ng “task” gaya ng pag-like sa hotel pages. Pagkatapos nito, inuutusan silang gumawa ng cryptocurrency account at magdeposito ng pera na kalauna’y ipinapalipat umano sa account ng Chinese manager.
Pinapangakuan umano ang mga biktima na magkakaroon ng interes ang kanilang pera ngunit nauuwi sa wala.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong may kinalaman sa human trafficking at paglabag sa Anti-Cybercrime Law.
Samantala, ang nailigtas na menor de edad ay dinala sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).









