
Kinumpirma ng Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR) na nakatanggap na sila ng nasa 17 tips kaugnay ng posibleng kinaroroonan ni Atong Ang.
Sa isang pulong balitaan na ginanap sa Camp Crame, sinabi ni CIDG-NCR Director Col. John Guiagui na kasalukuyan nilang bino-validate ang mga impormasyong natanggap mula sa mga itinalagang hotline.
Ayon kay Guiagui, karamihan sa mga tips ay tumuturo sa mga liblib na poultry farms at ilang exclusive subdivisions kung saan umano namataan ang nasabing akusado.
Dagdag pa niya, mahigit 10 lugar na ang kanilang napuntahan na posibleng pinagtuluyan ni Ang, subalit negatibo ang resulta ng lahat ng isinagawang operasyon at wala umanong natagpuang bakas ng akusado.
Isa aniya sa mga pangunahing hamon sa paghahanap kay Ang ay ang katotohanang tila pinaghandaan nito ang pag-iwas sa mga awtoridad, lalo na’t mayroon umano itong sapat na resources at posibleng palipat-lipat ng lugar.
Aminado rin si Guiagui na hamon para sa mga operatiba ang pagpasok sa mga exclusive subdivisions. Gayunman, nanindigan ang pulisya na hindi sila mapipigilan sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa akusado.
Samantala, naniniwala ang CIDG na hindi pa nakalalabas ng bansa si Ang at patuloy ang isinasagawang manhunt laban sa kanya kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.










