Nagpasaklolo sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame ang natalong kandidato sa pagka-alkalde sa Malabang, Lanao del Sur para paimbestigahan ang nangyaring barilan sa voting center sa Malabang National High School.
Kanina, nagtungo sa CIDG si Al Rashid Macapodi bitbit ang mga ebidensya para paimbestigahan ang pagpatay sa kanyang 3 taga-suporta at pagkasugat ng 3 iba pa.
Ayon kay Rashid, nanawagan sila ng hustisya sa pagkasawi ng mga biktima at upang magkaroon ng mabilis at patas na imbestigasyon.
Paliwanag nito, nakukulangan sila sa aksyon ng local police doon dahil 2 buwan na ang nakakaraan ay wala pa ring result ang kanilang imbestigasyon.
Matatandaan noong nakalipas na eleksyon 2022, nagkaroon ng barilan sa voting center sa Malabang.
Una nang naghain ng petisyon si Macapodi sa Commission on Elections (COMELEC) na nagnanais na ideklara ang failure of election sa ilang presinto sa bayan ng Malabang dahil sa mga nangyaring kaguluhan noong araw ng eleksyon na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang indibidwal.