Ikinagalak ni Environment Secretary Roy Cimatu ang naging panawagan sa Kongreso ni Pangulong Rodrigo Duterte para ipasa ang Boracay Island Development Authority (BIDA).
Ayon kay Cimatu, napapanahon ang hakbangin upang masuportahan at mapalakas ang mga programang nailatag na ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF).
Sa ilalim ng BIDA, maisusulong at mapapabilis ang likas-kaya at balanseng pag-unlad ng Isla ng Boracay alinsunod sa pangangailangang mapanatili ang ecological balance sa pangangalaga at pagpapahusay ng kalidad ng kapaligiran.
Sa ilalim ng draft bill na inihanda ng BIATF, ang BIDA ang gagawa ng mga polisiya, plano, programa at proyekto para sa rehabilitasyon, preserbasyon at pagpapaunlad sa Isla ng Boracay.
Nakatutok ang panukalang balangkas sa pagpapaunlad ng Boracay bilang isang self-sustaining na komersyal, pinansyal, pamumuhuan at sentro ng turismo upang makalikha ng trabaho, makaakit ng lokal at dayuhang mga turista at maisulong ang produktibong pamumuhunan.