Circular ng BIR na nagpaparehistro at nagpapabayad ng buwis sa mga online business, hindi dagdag pasanin ayon sa isang kongresista

Iginiit ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na makakatulong sa online sellers at hindi dagdag-pasanin ang circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-uutos sa mga ito na magparehistro at magbayad ng tax hanggang July 31, 2020.

Paliwanag ni Salceda, malinaw sa circular na ang mga negosyo online na may kita na mas mababa pa sa ₱250,000 kada taon ay exempted at hindi kinakailangan na magbayad ng income tax sa BIR habang ang mga mas mababa pa sa P3 milyon ang sales ay hindi naman pagbabayarin ng Value Added Tax (VAT) salig na rin sa Barangay Micro Business Enterprises (BMBE) Law at Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Partikular aniya na target sa kautusang ito ang pag-regularize sa mga online seller na maging bahagi ng formal economy at maihanda ang ekonomiya ng bansa sa pagpasok sa digital economy.


Ayon kay Salceda, makakatulong ang pagpaparehistro ng mga online MSMEs para maka-avail ng mga benepisyo na ibinibigay sa mga ito lalo ngayong may COVID-19 tulad ng wage subsidy at pagpapautang ng walang interes sa ilalim ng inaprubahang stimulus program.

Nilinaw pa ng mambabatas na hindi paniningil agad ng buwis ang gagawin kundi ito ay pagbibigay amnestiya para sa mga online business na magpaparehistro bago ang July 31, 2020, ibig sabihin lahat ng mga penalties at iba pang bayarin ay hindi na ipapataw sa mga magpaparehistro bago ang itinakdang deadline.

Tinatayang aabot sa isang milyon ang informal MSMEs na nagnenegosyo online at wala namang dapat ikabahala dahil karamihan sa mga ito ay nasa ilalim ng tax exemption thresholds.

Facebook Comments