Ciso’s Bar sa QC na nagdaos ng birthday party, ipinasara ng QC Government

Kinandado ng Quezon City Government ang isang bar na lumabag sa ipinaiiral na health protocols ng pamahalaan laban sa COVID-19 matapos na magdaos ng isang birthday party na dinaluhan ng mga social media influencers nitong Biyernes.

Ayon kay QC Task Force Disiplina Head Rannie Ludovica, iisyuhan na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ng closure order ang Ciso’s Bar sa San Francisco del Monte, matapos na mag-viral ang video kung saan makikitang ang mga guests nito ay nagpa-party ng walang suot na face masks at hindi rin nag-oobserba ng social distancing.

Paliwanag ni Ludovica na nitong Linggo ay nagsagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente, kasama ang Office of the Mayor at Business Permit and License Division kung saan ay lumitaw sa imbestigasyon na nagkaroon ng birthday party sa naturang establisyemento nitong Biyernes, na dinaluhan ng mga social media influencers, ngunit hindi agad tinukoy ang mga pagkakakilanlan ng mga ito.


Dismayado naman ang opisyal dahil dapat umano ay batid naman ng mga naturang social media influencers ang health protocols kaya dapat na sinunod ito.

Dagdag pa ni Ludovica na kukunin nila ang guest list ng bar at iimbitahan nila ang mga ito upang pagpaliwanagin.

Giit pa ng opisyal na ang task force ay nagsasagawa naman ng regular na on-site inspection sa mga bars sa lungsod at sa katunayan ay marami na silang bars na naipasara dahil sa paglabag sa COVID-19 health protocols.

Napag-alaman na ang Ciso’s bar ay matagal nang tumigil ng operasyon at noong nakaraang linggo lang ito muling nagbukas

Facebook Comments